6/29/09

Tugon kay MGG, sa ritwal ng pagtatapos at sa pagtula

Tapos na subalit naghanap pa rin ako ng mga salita nang masukat ko kahit bahagya ang kawalan ng linaw ng paglisan. Sabi ko, "Sa mundong walang kasiguraduhan, ang paglisan lang siguro ang salita o bagay na walang katiyakan."

Camp ako mag-isip, nanadya.

Si Lord kung manggulat, installment. Makalipas ang ilang buwan makikita mo ang nawala. Makalipas ang ilang linggo, makikita mo ang nawawala kasama ang nahanap niya o nakahanap sa kanya ( o sa iyong imagined na naratibo, ang nanulot). Hahaha.

Masyadong totoo. 'Pag nasaharapan mo na, kasiguraduhan na iyo, hudyat na na tapos na. 'Di ka na makababalik sa pag-iisip mag-isa na baka nga, sana nga, hindi pa ito totoo. Hanggang sa makikita mo sa harap mo ang pagtatapos ng nilikha mong naratibo.

at 'di naman ako nakapon
'di naman ako nabaldado
'di naman ako na-coma

kaya patuloy ang buhay.

Kailangan lang ng ritwal ng pagtatapos ng mga linikhang naratibo sa aking isipan; ikahon ang sa salita ang mga nararamdaman. Kaya nagsulat ako sa mga pader ng aking kuwarto, pinadaloy ang ang anumang maisip sa utak, sa puso. Pentelpen gamit ko para 'di ko burahin mga nasulat ko na mistulang freudian slip , mali-mali man ang sukat, mali-mali mana ng tugma.

Pentelpen para mapuwersa akong palitan ang kulay ng aking mga pader. Papatungan ko ng pintura, hudyat ng pagsisimula.



tutula ako
sapagkat ito na ang pinaka-malapit
sa pagpapaliguy-ligoy
para sabihing mahal ki naaalala kita.

hinahanap ka na ng aking mga punda.

-huling piga
ng pandamdam





--------



hina(ha)nap ko ang mga kataga
upang maisalarawan ang huli mong mga alaala
itatak sa balat, pandamdam
ang natitira mong gunita.

(rosas
hindi bulaklak ng sampaguita ang
amoy ng iyong damit (pawis)
kundi bareta, fabric conditioner ng
kapitbahay mong laundry shop.
(dr. wong's naman pag malansa ka na) haha

hindi na si donald duck ang sukat ng iyong mga labi
marka
kundi ang natuyong bakat ng iyong bibig
sa gilid ng baso (natuyong langis/ arnibal.
di ko na iinuman)

hindi mo na kamukha si zanjoe;
kamukha mo na ang paglisan.

hahanapin ko pang muli, sakaling magkatagpi-tagpi
ang pakahulugan ng salitang buo, ako at wala ka na.
sa langit, lupa, impiyerno na pinag-uuurong ko,
sa bawat mga larawang suso at estatwang bato.

at marahil sa (marami pang) paghahanap ng mga kataga
sa bawat sulok ng bilog
sa bawat hangganan ng karagatan,
mapagtatanto ko na

na ikaw ang gabi,
ako na ang umaga.

malapit na.


hunyo. maulan.



6/25/09

when an icon dies, all is forgiven

ipagluluksa ka nila dahil sa huli't huli ang tanging maaalaala lang nila ay ang mga iniwan mong musika, sayaw, imahe ng iyong itim na balat na naging puti, mga imahe ng iyong kahusayan, karangyaan, minsang kasikatan. makakalimutan nila bahagya ang iba mo pang ginawa, pag-abuso sa mga bata at iba pa.

patawad. 'di kita gugunitain.

'Pag namatay din kaya si IMELDA, mapapatawad rin kaya natin ang kaban-kaban nilang nakaw?

Panata. Simulain.

Panata. Simulain.

Darating ang panahon na ang aming sining ay hindi na maihahalintulad sa presyo ng isang tiket sa sine, sa presyo ng isang Venti frap na may double shot ng espresso sa Starbucks, sa dalawang kilo ng adobong may dalawang itlog.

Darating ang panahon na sa loob ng mga saradong espasyo ng teatro dadayo ang mayaman, may kaya at magbabayad para rito, at sa labas ng espasyo dadayo kaming mga taga-teatro para magtanghal nang libre , suportado ng gobyerno o ng mga kumpanyang pribado sa masa, sa tao, nakahihigit na bilang ng mga Pilipino.

Darating ang panahon na magsusumikap ang maraming mga bata at magkakaroon ng disiplina at determinasyon na makabilang sa teatro sa halip na sumali sa mga reality shows sa telebisyon.

Darating ang panahon na masmataas, at hindi na tatawaran ang bayad sa mga artista sa teatro sa pagsali sa telebisyon at pelikula dahil ang kanilang talento ay hinasa ng masusuing pag-aaral, disiplina at dedikasyon. darating ang panahon na lalagi na sa entablado ang mga alagad ng entablado dahil sa loob at labas nito, maari na kaming mabuhay, magtaguyod ng pamilya, tumanda hanggang sa mag-retire.

Darating ang panahon na kikilalanin ang kapangyarihan ng entablado na magsulong ng pagbabago, manlibak ng di naayon sa karapatang-pantao, sapagkat ito ay mapanuri at suportado ng publiko.

Heto na ang panahon ng paglalatag ng pundasyon. Ito na ang panahon (di ko lang alam kung paano lalagyan ng linya sa gitna ng "darating ang panahon" saka ilagay sa tabi ang "Ito na ang panahon.")

Baon ang ating nasa para makapagpalabas, para makaramdam at maiparamdam ang buhay, nasa na maiparating ang mga dapat iparating, mapaghusay, mapagbuti ang dapat mapagbuti, magpapatuloy tayo sapagkat marami pang dapat gawin. Marami pang pader ang dapat buwagin, marami pang pusong dapat abutin, isang bayan na huhulmahin.

Sabi ng aking guro sa Socio na nakuha nya mula sa isang babasahin, na ang mga rally ay rehearsals para sa isang rebolusyon. Sa kontekstong ito hangad kong tapusin itong sulatin.

Ang bawat pagtatanghal ngayon ay rehearsals, mga paghahanda para sa isang masmalaking cultural revolution. Maaring sa ihahaba ng ating buhay 'di natin agad makakamtan subalit patuloy natin itong itataguyod, patuloy tayong magtatanghal, gutom man o nakalibre, sapagkat lahat ng ito'y paglalatag ng pundasyon, rehearsals para sa isang rebolusyon.


*unang artikulo ko itong ilalathala sa blog. 'di ko alam kung sino ang makababasa nito. gayunpaman, ito po ang nilalaman ng aking isipan, halos di ko sinalang. tara! samahan mo ako.

in the absence of the physical, you go grasp for the abstract. that's how we form metaphors.