Panata. Simulain.
Darating ang panahon na ang aming sining ay hindi na maihahalintulad sa presyo ng isang tiket sa sine, sa presyo ng isang Venti frap na may double shot ng espresso sa Starbucks, sa dalawang kilo ng adobong may dalawang itlog.
Darating ang panahon na sa loob ng mga saradong espasyo ng teatro dadayo ang mayaman, may kaya at magbabayad para rito, at sa labas ng espasyo dadayo kaming mga taga-teatro para magtanghal nang libre , suportado ng gobyerno o ng mga kumpanyang pribado sa masa, sa tao, nakahihigit na bilang ng mga Pilipino.
Darating ang panahon na magsusumikap ang maraming mga bata at magkakaroon ng disiplina at determinasyon na makabilang sa teatro sa halip na sumali sa mga reality shows sa telebisyon.
Darating ang panahon na masmataas, at hindi na tatawaran ang bayad sa mga artista sa teatro sa pagsali sa telebisyon at pelikula dahil ang kanilang talento ay hinasa ng masusuing pag-aaral, disiplina at dedikasyon. darating ang panahon na lalagi na sa entablado ang mga alagad ng entablado dahil sa loob at labas nito, maari na kaming mabuhay, magtaguyod ng pamilya, tumanda hanggang sa mag-retire.
Darating ang panahon na kikilalanin ang kapangyarihan ng entablado na magsulong ng pagbabago, manlibak ng di naayon sa karapatang-pantao, sapagkat ito ay mapanuri at suportado ng publiko.
Heto na ang panahon ng paglalatag ng pundasyon. Ito na ang panahon (di ko lang alam kung paano lalagyan ng linya sa gitna ng "darating ang panahon" saka ilagay sa tabi ang "Ito na ang panahon.")
Baon ang ating nasa para makapagpalabas, para makaramdam at maiparamdam ang buhay, nasa na maiparating ang mga dapat iparating, mapaghusay, mapagbuti ang dapat mapagbuti, magpapatuloy tayo sapagkat marami pang dapat gawin. Marami pang pader ang dapat buwagin, marami pang pusong dapat abutin, isang bayan na huhulmahin.
Sabi ng aking guro sa Socio na nakuha nya mula sa isang babasahin, na ang mga rally ay rehearsals para sa isang rebolusyon. Sa kontekstong ito hangad kong tapusin itong sulatin.
Ang bawat pagtatanghal ngayon ay rehearsals, mga paghahanda para sa isang masmalaking cultural revolution. Maaring sa ihahaba ng ating buhay 'di natin agad makakamtan subalit patuloy natin itong itataguyod, patuloy tayong magtatanghal, gutom man o nakalibre, sapagkat lahat ng ito'y paglalatag ng pundasyon, rehearsals para sa isang rebolusyon.
*unang artikulo ko itong ilalathala sa blog. 'di ko alam kung sino ang makababasa nito. gayunpaman, ito po ang nilalaman ng aking isipan, halos di ko sinalang. tara! samahan mo ako.
No comments:
Post a Comment