7/23/09

pakiusap


huwag mo sanang hangarin
ang aking mga ngiti
'pagkat kusa ko silang ibibigay
bagama't sa loob magkikimpi,
magsusumigaw.

huwag mong hangarin
ang aking mga halakhak
'pagkat kusa ko silang idudugtong
sa pagtatapos ng iyong mga pangungusap.

huwag mong hangarin
ang aking mga sulyap
'pagkat kusa, sa iyo,
ang bukas, ang magpakailanman,
nakabaling, nakamulat.

huwag mo sanang hangarin
na nagsasabi ako ng totoo
'pagkat kusang nagiging totoo
ang mga kasinungalingan ko (mo)
'pag dating sa iyo.

subalit mahal,
pinakamamahal ko,

huwag mo (sanang) hangarin
ang mga bagong simula
'pagkat nang linisan mo ako sa aking naratibo,
kusa na silang naglaho,
nagtapos,
oo, patapos na.

malapit na.
nagkukubli na lang sa mga salita.


hulyo 24 alas-tres y medya ng umaga

No comments:

Post a Comment